P83.71 billion ang panukalang pondo para sa multipurpose buildings ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa 2027 national budget na inaprubahan ng Kamara. Ito ay matapos madagdagan ng P42.73 billion ang alokasyon, ayon sa pagsusuri ng People’s Budget Coalition.
Ito ang kinuwestiyon ni Senador Loren Legarda dahil kasabay nito, nabawasan ng P19.7 billion ang pondo para sa Metro Manila Subway at P15 billion naman sa North-South Commuter Railway kumpara sa orihinal na panukala ng Executive Branch.
Nanawagan si Legarda sa Kongreso na alisin ang mga gastusing walang malinaw na pakinabang at unahin ang mga proyektong lumilikha ng trabaho, nagpapababa ng gastusin at nagpapalakas sa ekonomiya.
Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, 2.1 percent lamang ang economic growth ng bansa sa third quarter ng 2026. Umabot naman sa 7.8 percent ang inflation noong Oktubre at 5.4 percent ang unemployment rate noong Setyembre.
Dahil dito, nagbabala si Citi economist Johanna Chua sa posibleng stagflation o slowflation, kung saan mabagal ang paglago ng ekonomiya habang mataas ang presyo ng mga bilihin. Gayunman, sinabi ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na maaga pa upang sabihing nararanasan na ito ng bansa.
Kaugnay nito, inihain ni Legarda ang Proposed Senate Resolution No. 777 na humihiling ng Senate hearing upang suriin ang panganib ng stagflation at ang mga hakbang ng pamahalaan sa panukalang 2027 budget.
Iminungkahi rin ng senador na pag-aralan ang pansamantalang karagdagang bawas sa excise tax sa ilalim ng Republic Act No. 12316, partikular sa diesel, upang makatulong sa pagpapababa ng gastusin ng mga mamamayan.
Binigyang-diin ni Legarda na dapat mapunta ang pera ng bayan sa mga proyektong may malinaw na pakinabang, kabilang ang mass transportation, irigasyon at mga pasilidad para sa suplay ng tubig, sa halip na masayang sa mga gastusing hindi naman prayoridad.