Opens in a new tab
Skip to content
National

Pagpapabilis sa GCTA approval, isinusulong sa Senado para mabawasan ang siksikan sa mga piitan

Isinusulong ni Senator Loren Legarda ang pagbabago sa Good Conduct Time Allowance o GCTA Law upang mapabilis ang proseso ng pagbibigay ng sentence reduction sa mga kwalipikadong persons deprived of liberty o PDLs, at makatulong sa pagbawas ng siksikan sa mga piitan sa bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2584, nais ni Legarda na bigyan din ng kapangyarihan ang mga Superintendent ng Bureau of Corrections o BuCor na mag-apruba ng GCTA, katulad ng awtoridad na mayroon ang mga warden ng local jails sa ilalim ng Republic Act No. 10592.

Sa kasalukuyan, nasa BuCor Director General ang pangunahing kapangyarihan sa pag-apruba ng GCTA para sa mga pasilidad ng ahensya. Dahil dito, nais ng panukala na mailapit sa mga Superintendent ang pagdedesisyon upang mabawasan ang mga dokumentong kailangang isumite sa central office at maiwasan ang matagal na proseso.

Batay sa panukala, kailangang dumaan muna sa pagsusuri ng Management, Screening and Evaluation Committee ang mga aplikasyon at suportado ng beripikadong records at nakasulat na rekomendasyon.

Inaatasan din ang mga Superintendent na magdesisyon sa loob ng 15 working days matapos matanggap ang kumpletong rekomendasyon. Kabilang din sa safeguards ang regular reporting, periodic checks at parusa sa falsification of records, corruption at ilegal na pagbibigay ng time allowance.

Nilinaw naman ni Legarda na hindi nito dinadagdagan ang GCTA credits, binabago ang mga kwalipikasyon o inaalis ang iba pang legal requirements bago makalaya ang isang PDL.

Bukod dito, binigyang-diin ng senador ang pangangailangang pag-aralan din ang pagpapatupad ng bail at recognizance laws, speedy trial protections at mas mabilis na pagproseso ng sentence credits upang matugunan ang problema sa overcrowding at mapabuti ang sistema ng hustisya sa bansa.