Sasailalim sa 90-day preventive suspension ang vlogger na si Rendon Labador at inaatasang isuko ang kanyang driver’s license sa Land Transportation Office o LTO dahil sa viral video na nagpapakita sa kanya na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet at nakatayo habang umaandar.
Sa naturang post ni Rendon sa Facebook noong December 17, 2025 makikita ang kanyang pagmamaneho sa motorosiklo habang nasa Pola, Oriental Mindoro.
Sa direktiba ni LTO Chief Asec. Markus V. Lacanilao, pinadalhan si Labador ng Show Cause Order o SCO at inaatasang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa December 1, 2026.
Kailangan din niyang magsumite ng sinumpaang paliwanag at mga dokumentong susuporta sa kanyang panig.
Kabilang sa mga posibleng paglabag na iniimbestigahan ang Reckless Driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act 4136 at paglabag sa Mandatory Use of Motorcycle Helmets Act o Section 3 ng Republic Act 10054.
Pinagpapaliwanag din siya kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ayon kay Asec. Lacanilao, walang pinipili ang LTO sa pagpapatupad ng batas-trapiko, anuman ang pangalan o kasikatan ng isang motorista.
Ipa-aalarma rin ng ahensya ang motorsiklong ginamit sa insidente kapag nakumpirma na ang pagkakakilanlan nito.
Pinaalalahanan naman ng LTO ang mga vlogger at content creator na maging responsable sa kanilang mga ipinapakitang gawain dahil maaari silang maging impluwensiya sa kanilang mga tagasubaybay.