Patay ang isang lalaki matapos barilin sa ulo habang sugatan naman ang isa pa matapos tamaan ng bala sa braso sa nangyaring pamamaril sa Barangay Sandalan, Ibaan, Batangas, nitong November 23, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Ibaan Municipal Police Station, nag-iinuman ang mga biktima at suspek nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima na si alyas Ron at ang suspek na kinilalang alyas Jun.
Umalis umano ang suspek at umuwi upang kumuha ng .45 caliber na baril bago bumalik at paputukan nang isang beses ang biktima na si Ron. Tinamaan din ng bala ang isa pang biktima.
Naganap ang insidente bandang alas-2 ng hapon at naiulat sa pulisya dakong alas-2:20 ng hapon.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sakay ng tricycle habang dala ang ginamit na baril.
Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya para matukoy at maaresto ang suspek, habang hinihintay ang karagdagang resulta ng imbestigasyon sa tunay na motibo sa krimen.