Isang gasolinahan ang tinangayan umano ng kita na nagkakahalaga ng 24,000 pesos noong Abril 14 sa Brgy. Sabang, Lipa City, Batangas ayon sa inilabas na report ng Batangas PNP Provincial Information Office nitong Biyernes ng May 05, 2023.
Kinilala ng Lipa City Police Station ang umanoy suspek na si Jaypee Cueto, habang ang biktima ay si Darren Carandang, ang area supervisor ng (Rephil) naturang gasolinahan.
Base sa sumbong ng complainant sa Police Station ng Lipa, napag-alamang na nag-resign umano ang station supervisor noong Abril 16, kaya nagsagawa ang representative ng gasolinahan na magsagawa ng audit noong Abril 17, at nadiskubreng nawawala umano ang pera na nagkakahalagang 24,000 pesos na parte ng kita noong Abril 14. Ang nasabing suspek at ang cashier na si Bianca Bancoro lamang ang may pahintulot na buksan ang vault kung saan inilalagay ang mga kita. Ngunit, sa pagsusuri ng CCTV footage ay napatunayang tinangay umano ng station supervisor ang pera na binalot pa ito sa kapirasong papel.
Ang suspek ay mahaharap naman sa karampatang kaso.
Sa panayam ng BChannel News Team sa LIPA City Police Station nitong Sabado, kinumpirma nito na hindi pa naaresto ang suspek taliwas sa unang nailabas na report ng Batangas PNP Provincial Information Office na umano’y nahuli ang suspek.
Samantala, kaagad din nilinaw ng Batangas PNP PIO, na pinaghahanap na ngayon ang naturang suspek para sa imbestigasyon. | J.P M. Reyes, BChannel News