Isang Fashion Boutique ang tinangkang holdapin sa Enriquez Street, Barangay 4, Lucena City, Abril 20.
Arestado ang suspek na si Jeffrey, 32 taong gulang, isang construction worker at residente ng Brgy. Ikirin, Pagbilao, Quezon.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Lucena Component City Police Station (CCPS), nagkunwaring kostumer ang suspek at bumili ng isang pares ng sapatos. Matapos ang transaksyon, pumili pa ito ng isa pang sapatos na nakadisplay sa slatted wall ng tindahan.
Habang nakatalikod ang biktima upang kunin ang item, bigla na lamang siyang niyakap ng suspek mula sa likod habang may hawak na patalim at nagsabing, “Wag kang sisigaw, ‘di kita papatayin.”
Tinangka umano ng suspek na kaladkarin ang biktima papunta sa likurang bahagi ng tindahan ngunit tumanggi ito. Ayon sa pahayag ng biktima, tinutukan siya ng suspek at tinangkang takpan ang kanyang bibig. Sa kabila ng banta, matapang na lumaban ang biktima at nagawang maagaw ang patalim mula sa suspek. Nagkaroon ng komosyon sa pagitan nila hanggang sa mapansin ng suspek ang presensya ng mga tao sa labas ng tindahan.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at matagumpay na naaresto ang suspek. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Lucena CCPS at mahaharap sa kasong Robbery. | BChannel NEWS