Tumaas ang Average Monthly Index Crime Rate o AMICR sa buong lalawigan ng Batangas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa ulat ng Batangas Provincial Public Information Office, mula Enero 1 hanggang Hulyo 15 ngayong taon, umakyat sa 2.79 ang crime rate mula sa 2.53 noong 2024.
Ayon kay PLTCOL Atty. Aleli C. Buaquen, tagapagsalita ng Batangas Police Provincial Office, Lipa City ang nangunguna sa may pinakamataas na bilang ng krimen sa buong probinsya.
“Kung may mga insidente, kailangang masolusyunan. Kung hindi na-prevent, dapat may mahuli, may imbestigasyon, at may managot.”
Base sa tala, pinakamaraming kaso ng theft o pagnanakaw na umabot sa 202 incidents, habang pumapangalawa ang rape cases na umabot sa 134, kasama na ang 24 related reports.
Dagdag ni Buaquen, patuloy ang kanilang kampanya kontra ilegal na droga at illegal possession of firearms. Aniya, may koneksyon ang droga sa maraming krimen gaya ng pagnanakaw, rape, at pamamaslang.
Sa kabila ng pagtaas ng mga kaso, tiniyak ng Batangas PNP na may mga kaukulang operasyon silang isinasagawa upang tugisin ang mga salarin at pigilan ang karahasan sa probinsya.
Kaugnay nito, idinaos ngayong araw, July 16, ang “Media Day” ng Batangas PPO, na pinangunahan ni Acting Provincial Director PCOL Geovanny Emerick A. Sibalo.
Layunin ng aktibidad na ito ang pagtibayin ang ugnayan ng kapulisan sa mga miyembro ng local at national media. Dumalo rin sa pagtitipon sina PLTCOL Constancio B. Malaluan Jr., at PMAJ Mickglo D. Mariñas ng PIO. | BChannel NEWS