Pinasok ng mga magnanakaw ang isang apartment sa Brgy. Pallocan West, Batangas City, dakong alas-2:30 ng madaling araw nitong Agosto 28, 2025.
Batay sa imbestigasyon ng Batangas City Police, pumasok umano sa bintana ng apartment ng biktima ang mga suspek at kinuha ang ilang kagamitan gaya ng Contender portable welding machine na nagkakahalaga ng P8,900, isang Electro Fusion para sa PPR pipe na nagkakahalaga ng P12,500, at isang electric drill na nagkakahalaga ng P5,000. Umabot sa kabuuang halagang P26,400 ang mga ninakaw na gamit.
Dumulog sa barangay tanod ang biktima na agad namang nagresulta sa pagkaka-aresto ng suspek na kinilalang si Jay-Ar, 26 anyos, walang trabaho at residente ng Sitio Puyo, Brgy. Sta. Clara, Batangas City. Nabawi rin ang mga ninakaw na kagamitan.
Samantala, pinaghahanap pa rin ang isa pang suspek na si Jerico, residente rin ng Brgy. Sta. Clara. Isinasagawa na ang follow-up operation para sa kanyang agarang pagkaka-aresto.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Batangas City Police Station si Jay-Ar habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa Batangas City Prosecutor’s Office. | via BChannel NEWS