Aabot sa P118.5 billion ang nalugi sa ekonomiya ng bansa mula 2023 hanggang 2025 dahil sa maanomalyang flood control projects.
Ito mismo ang kinumpirma ni Finance Secretary Ralph Recto sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado para sa 2026 National Expenditure Program.
Ayon kay Recto, katumbas ng pagkalugi ang halos 95,000 hanggang 266,000 trabaho na sana’y nakinabang ang mga Pilipino.
Sa Senate budget hearing, binigyang-diin niya na hindi biro ang magtaas ng pondo kaya’t bawal ang sayang at ghost projects.
Ayon kay Recto, dapat makita ng taumbayan na ang kanilang buwis ay napupunta sa tama—para sa edukasyon, kalusugan, pagkain, at trabaho.
Tiniyak ng kalihim na susunod siya sa utos ng Pangulo na busisiin ang 2026 budget na nagkakahalaga ng ₱6.793 trilyon, para matiyak na bawat piso ay mapupunta sa mga proyektong may tunay na pakinabang sa mga Pilipino.
Dagdag pa ng Kalihim, sisiguruhin nilang ang 2026 national budget ay nakatuon sa mga proyektong tunay na mararamdaman ng taumbayan.