Nilagdaan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act No. 12252 na nag-aamyenda sa Investors’ Lease Act.
Sa ilalim ng bagong batas, pinapayagan na ang mga foreign investors na mag-lease ng private lands sa Pilipinas ng hanggang 99 years, pero may mas mahigpit na safeguards at accountability measures.
Layunin ng batas na hikayatin ang mas maraming foreign investments at magbigay ng mas matatag na kapaligiran para sa mga investor. Sakop nito ang paggamit ng lupa para sa industrial estates, factories, agro-industrial projects, tourism, agriculture, ecological conservation, at iba pang priority endeavors.
Siguradong nakatala at naka-annotate sa Registry of Deeds ang lahat ng kontrata, at hindi ito basta-basta pwedeng baguhin o kanselahin nang walang legal proceedings. Kung gagamitin ang lupa sa ibang layunin o ihihinto ang investment, awtomatikong tatapusin ang lease.
May mabigat na parusa sa mga lalabag—mula isang milyong piso hanggang sampung milyong piso ang multa at anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong.
Inaatasan naman ang Department of Trade and Industry, sa pamamagitan ng BOI at Land Registration Authority, na maglabas ng implementing rules sa loob ng 90 araw. Ang RA 12252 ay epektibo 15 days matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.