Natagpuang wala nang buhay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang bangin sa bahagi ng Ternate–Nasugbu Road, Brgy. Sapang 1, Ternate, Cavite, pasado alas-11:30 ng umaga nitong Oktubre 12, 2025.
Ayon sa Ternate Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nag-ulat ng bangkay na nakita malapit sa Lamesang Bato, katabi ng lugar ng DENR.
Agad na rumesponde ang mga pulis at doon nila natuklasang may isang lalaking itinapon sa bangin, tinatayang nasa 15 hanggang 20 metro ang lalim, malapit sa sapa.
Ang biktima ay tinatayang anim na talampakan ang taas, nakasuot ng puting t-shirt, itim na shorts, at black na brief na may tatak na Calvin Klein. Nakaposas ang magkabilang kamay nito sa likod at binalutan ng itim na plastic ang ulo.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng Ternate MPS at humihingi na rin sila ng tulong mula sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa pagproseso ng crime scene at pagkakakilanlan ng naturang biktima. | BChannel news