Isa pang convenience store ang pinasok ng mga holdaper sa Barangay Bago, Ibaan, Batangas, bandang alas-10:55 ng gabi noong Pebrero a-1, 2026.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A, dalawang lalaking suspek ang sangkot sa insidente.
Pumasok sa loob ng tindahan ang unang suspek habang nanatili naman sa labas ang kanyang kasamahan. Pagdating sa cashier area, biglang naglabas ng baril ang suspek at itinuro ito sa kahera saka nagdeklara ng holdap. Kinuha ng mga suspek ang humigit-kumulang P74K piso na cash at isang wristwatch mula sa isa pang empleyado ng tindahan.
Matapos ang insidente, ikinulong muna ng mga suspek sa storage room ang dalawang biktima bago mabilis na tumakas sakay ng isang itim na motorsiklo.
Inilarawan naman ang mga suspek bilang kapwa nakasuot ng helmet at sakay ng Honda Click motorcycle.
Patuloy ang imbestigasyon ng Ibaan Municipal Police Station at nagsasagawa na ng follow-up operation para sa ikaaaresto ng mga suspek.
Inaalam na rin kung sila ang mga suspek na nang-holdap din sa dalawang branch sa Lipa City, Batangas. | BChannel news