Naaresto ng mga awtoridad ang isang Provincial Most Wanted Person sa isinagawang manhunt operation sa Barangay Kumintang Ilaya, Batangas City kahapon, Pebrero 25.
Kinilala ang suspek na si “Macky,” 35 anyos, waiter, at residente ng Barangay San Ignacio, Rosario, Batangas. Siya ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit, 1st Batangas Mobile Force Company at Batangas Component City Police Station.
Batay sa ulat, may apat na warrant of arrest ang akusado kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004. Tatlong warrant ang inilabas ng Regional Trial Court Branch 102 sa Quezon City noong 2017 na may inirekomendang piyansang umaabot sa P120K, P200K at P120K. May isa pa itong warrant mula sa RTC Branch 87 sa Rosario, Batangas na may piyansang P120K.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Provincial Intelligence Unit para sa tamang disposisyon ng kaso.
Ayon sa pulisya, patunay ang operasyong ito ng kanilang matibay na pagtutok upang maihatid ang hustisya sa mga biktima at mahigpit na maipatupad ang batas sa buong lalawigan ng Batangas.