Magaang binawian ng buhay ang isang 6 na taong gulang na bata habang sugatan naman ang kaniyang ama matapos silang pagbabarilin habang sakay ng motorsiklo sa Barangay Ulat, Silang, Cavite, alas-8 ng gabi noong Pebrero 26.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente ay nagtungo muna sa Barangay Ulat Hall ang pamilya ng mga biktima upang magsampa ng reklamo laban sa anak ng barangay chief. Napagkasunduan pa umano na sasailalim sa CT scan ang ama at sasagutin ng barangay chief ang gastusin.
Subalit habang pauwi na sakay ng motorsiklo ang mag-ama, bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok ng dalawang beses nang walang malinaw na dahilan.
Tinamaan ng bala sa kanang balikat ang 35-anyos na ama habang tinamaan naman sa ulo ang kaniyang 6 na taong gulang na anak.
Isinugod pa ng mga concerned citizen sa pagamutan ang bata ngunit binawian na rin ito ng buhay, habang patuloy namang ginagamot ang kaniyang ama.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Elpidio, 68-anyos na residente ng Barangay Ulat.
Patuloy ang panawagan ng mga kaanak at kapamilya ng hustisya sa sinapit ng mag-ama.
Patuloy ngayon ang hot pursuit operation ng Silang Municipal Police Station upang madakip ang suspek habang inihahanda na rin ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa kaniya at inaalam na rin ang motibo sa krimen. | BChannel news