Arestado ang isang magnanakaw na lalaki matapos barilin ang isang security guard sa Sitio Kanluran, Barangay Mahabang Dahilig, Batangas City noong March 4.
Kinilala ang suspek na si “Ambet,” 30 anyos, tubong Brgy. Bunggo, Calamba City, Laguna, habang ang biktima naman ay si “Smith,” 32 anyos at isang security guard na residente ng Barangay San Isidro, Taysan, Batangas.
Batay sa imbestigasyon, rumesponde ang biktima matapos makarinig ng putok ng baril malapit sa kanyang post, ngunit pagdating sa lugar ay pinagbabaril umano siya ng suspek na tumama sa kanyang kanang braso at dumaplis sa dibdib.
Agad namang dinala sa Batangas Medical Center ang biktima para sa agarang gamutan habang tumakas ang suspek patungong Barangay Ambulong.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang tinatayang 50 metro ng electrical wire na nagkakahalaga ng mahigit 15,000 pesos.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng Batangas Component City Police Station sa pangunguna ni PLTCOL Ira A. Morello, katuwang ang Batangas PPO Drone Team, gumamit ng thermal drone upang matunton ang kinaroroonan ng suspek.
Bandang alas-10 ng gabi nang matukoy ang heat signature ng suspek sa Barangay Tabangao-Ambulong kung saan siya tuluyang naaresto ng mga pulis.
Sa kabuuan, umabot lamang sa 13 oras ang manhunt bago tuluyang mahuli ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng Batangas CCPS habang inihahanda ang kasong frustrated murder laban sa kanya.