Patay ang isang 25-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hinihinalang mga holdaper na tumangay din ng kanyang motorsiklo sa Brgy Guitnang Bayan 1, San Mateo Rizal.
Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-11:11 ng gabi noong March 5 sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, kukuha sana ng pagkain sa isang pares cart ang biktima nang biglang tangkain ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek na tangayin ang kanyang nakaparadang puting motorsiklo.
Nang pumalag ang biktima, isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinaputukan siya gamit ang isang 9mm pistol.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa General Luna Street habang tinatangay ang motorsiklo ng biktima.
Isinugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Agad namang nagsagawa ng crime scene processing ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives habang nagpapatuloy ang dragnet at follow-up operations ng pulisya para sa pagkilala at pag-aresto sa mga suspek.
Sa ngayon, nananatiling at large ang tatlong suspek na pawang nakasuot umano ng puting helmet at sakay ng dalawang motorsiklo kabilang ang motor ng biktima. | BChannel NEWS