Isang 61 anyos na ama ang inaresto matapos umano nitong tagain ang sarili niyang anak sa gitna ng inuman sa Sitio Cayuma, Brgy. Cawayan 1 sa bayan ng San Francisco, Quezon, kagabi March 16.
Batay sa ulat ng San Francisco Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-7 ng gabi habang nag-iinuman sa kanilang bahay ang biktimang si Marvin, 34 anyos, kasama ang kanyang kapatid at ama.
Sa kalagitnaan ng inuman ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng kanyang kapatid. Ngunit habang nagpapatuloy ang alitan, bigla umanong kumuha ng itak ang ama ng biktima na kinilalang si Luis, 61 anyos, at paulit-ulit na tinaga ang kanyang sariling anak.
Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad na isinugod sa Quezon Provincial Hospital sa San Francisco para sa agarang gamutan.
Mabilis namang rumesponde ang mga pulis at naaresto ang suspek sa lugar ng insidente.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong Frustrated Parricide laban sa kanya sa Office of the Provincial Prosecutor sa Catanauan, Quezon.
Samantala, patuloy pang nagpapagaling sa ospital ang biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente. | BChannel News