Agad na naaresto ang tatlong indibidwal matapos gumamit ng pekeng ₱1,000 bills sa iba’t ibang tindahan sa Batangas.
Nagsimula ang insidente bandang ala-1:30 ng hapon sa isang convenience store sa Brgy. Sampaloc, kung saan nadiskubre ng cashier na peke ang ibinayad ng mga suspek.
Agad silang tumakas sakay ng isang itim na SUV, ngunit dahil sa mabilis na report ng empleyado at koordinasyon ng pulisya, isinagawa ang hot pursuit operation na humantong sa kanilang pagkakaaresto sa Tagaytay City.
Sa panayam ng BChannel News kay PMAJ El Cid Villanueva ng Talisay Municipal Police Station, lumabas na umabot sa ₱50,000 halaga ng pekeng pera ang naipakalat ng mga suspek sa loob lamang ng isang araw, gamit ang tig-₱1,000 bills. Tinatayang mahigit tatlong taon na umano nilang ginagawa ang modus, kung saan nakakapaglabas sila ng ₱30,000 hanggang ₱50,000 na pekeng pera kada araw sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Talisay, Tanauan City, at Sto. Tomas City.
Nabatid din na binibili lamang ng mga suspek ang pekeng ₱1,000 bill sa halagang ₱125 hanggang ₱150 kada piraso, na may kasamang ilang security features ng lumang pera, dahilan para madali itong maipasa sa mga establisyemento. Ang kanilang target ay ang mga lumang papel na pera at hindi ang bagong polymer bills.
Bukod sa pekeng pera, nakumpiska rin ng pulisya ang iba’t ibang grocery items na pinaniniwalaang binili gamit ang fake bills, pati na rin ang cash na hinihinalang kinita sa panlilinlang.
Ayon sa pulisya, ibinebenta rin umano ang mga nabiling produkto sa Taguig, kung saan nagmumula ang mga suspek.
Patuloy pang pinoprofile ng mga awtoridad ang iba pang posibleng sangkot sa operasyon, na hinihinalang may koneksyon sa isang probinsya sa Region 3. Hinihikayat din ang iba pang biktima na makipag-ugnayan sa Talisay Police para sa karagdagang ebidensya.
Paalala ng pulisya sa publiko, maging mapagmatyag sa pagtanggap ng pera at agad i-report ang anumang kahina-hinalang transaksyon.
Samantala, nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong estafa at illegal use of false currency. | BChannel News