Arestado ang dalawang suspek sa kasong estafa matapos umano nilang gamitin ang credit card ng isang senior citizen nang walang pahintulot sa loob ng isang supermarket sa Batangas City.

Kinilala ng Batangas Police Provincial Office ang mga suspek na sina “Jun” at “Jaja,” kapwa 34 anyos at empleyado ng isang kumpanya na nagbebenta ng alkaline water machines. Ang biktima naman ay isang 69 anyos na babae mula Barangay Alangilan.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang 5:10 ng hapon noong March 19 sa loob ng supermarket sa Barangay Calicanto. Ayon sa pulisya, kinausap umano ng mga suspek ang biktima para sa pagbebenta ng produkto, ngunit kalaunan ay palihim na iniswipe ang kanyang credit card gamit ang card machine nang walang pahintulot.
Umabot sa halagang 98,000 pesos ang unauthorized transaction na agad namang napansin ng biktima kaya humingi ito ng tulong sa pulisya, na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng mga suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Batangas City Police ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila sa piskalya.