fbpx

7 TAONG GULANG NA BATA, GINAHASA NA PINATAY PA SA SAKSAK

SENSITIBONG BALITA/ TRIGGER WARNING | Hubo’t hubad at walang buhay ang isang 7-anyos na batang babae na natagpuan sa Magpet, Cotabato nitong nakalipas na araw.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang bata na kinilala lamang sa pangalang “Juliana” ay ginahasa at pinatay bago iniwanang walang saplot sa katawan at tinabunan lamang ng mga tuyong dahon sa isang masukal na bahagi ng Barangay Mahongkong.

Batay sa imbestigasyon, naiwan sa kanilang bahay ang biktima at isang kapatid na lalaki dahil nag-ani ng mga panindang gulay ang kanilang ina.

Pag-uwi ng ina sa kanilang bahay, wala na si Juliana. Sinabi naman umano ng kapatid nito na inutusan siya ng lalaking bisita lamang ng kanilang kapitbahay para bumili sa tindahan. Pag-uwi nito wala na umano ang biktima at wala na rin ang bisita ng kapitbahay.

Agad humingi ng tulong ang ina ng biktima sa mga awtoridad para hanapin ang biktima.

Bangkay na lamang ng bata ang nakita. May mga saksak sa katawan ang bata at ang damit nito ay nakapulupot sa kanyang leeg.

Nagawa namang hanapin ng mga awtoridad ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa costudial facility ng pulisya at nahaharap sa kasong panggagahasa at pagpatay.

Dayo lamang umano ang suspek na gumawa ng karumal-dumal na panggagahasa at pagpatay sa bata.

About Author