
Nauwi sa sakitan ang isang pagtatalo na may kinalaman sa trabaho sa isang restobar sa Barangay Mabolo Tres sa Bacoor Cavite. Kinilala ng Bacoor City Police Station ang suspek na si Linda Solis, ang supervisor ng restobar.
Nagsimula ang argumento sa hindi pagkakasundo kaugnay ng table assignment rotation. Ang biktima at serbedora, na kinilala na si Teodora Baylosis, ay nakatalaga sana sa isang table ng isang big-time na customer.
Gayunman, nilampasan umano ng suspek si Baylosis at itinalaga ang mesa sa ibang serbedora. Nauwi sa mainitang pagtatalo ang insidente kung saan kinalmot ng suspek ang mukha ng biktima at hinampas ng bote ng lechon sauce ang ulo nito.
Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa ulo gayundin ng mga sugat sa mukha at braso. Agad siyang dinala sa isang ospital para magamot. Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong attempted homicide. | James Tiangco