Nanindigan ang Malacañang sa naunang pahayag na si dating Executive Secretary Lucas Bersamin ang umalis sa Cabinet “out of delicadeza” kaugnay ng kontrobersiya sa flood control, kahit iginiit ng dating opisyal na hindi siya nagbitiw kundi inutos lamang na lisanin ang posisyon.
Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, iginagalang ng Palasyo ang damdamin ni Bersamin, pero naninindigan sa opisyal na pahayag: ang anunsyo ay galing sa Palasyo at para sa katatagan at tuloy-tuloy na pamamahala.
Sinabi rin niya na nagkaroon ng personal na pag-uusap si Bersamin at ang Presidente.
Noong Lunes, inihayag ni Castro na umalis si Bersamin at si Budget Secretary Amenah Pangandaman “out of delicadeza” matapos lumabas ang alegasyon ng kanilang kaugnayan sa flood control projects.
Ang kanilang pag-alis ay nagbunsod ng reshuffle sa ilang posisyon sa Cabinet, kabilang ang pag-upo ni dating Finance Secretary Ralph Recto bilang Executive Secretary.
Ngunit nitong Miyerkules, sinabi ni Bersamin na hindi siya nagbitiw.
Idinagdag niya na tinawagan siya ng isang kaibigan para ipaalam na kailangan niyang lisanin ang Cabinet. Ipinahayag din niya ang sama ng loob na nauna ang opisyal na anunsyo bago siya opisyal na maipaalam at mariing itinanggi ang anumang kaugnayan sa national budget o flood control controversy.
Giit pa ni Bersamin; ipinadala lang niya ang liham para ilagay ang sarili sa awtoridad ng Presidente, at ayon sa kanya, hindi ito tumutugma sa naunang pahayag ng Palasyo.
Ayon kay Bersamin, ang kanyang 33 taong serbisyo sa hudikatura ay malinis at walang bahid-skandalo. | BChannel news