Tatlong sasakyan ang sangkot sa nangyaring banggaan kabilang ang pampasaherong jeepney, isang pick-up truck at isang nakaparadang tricycle sa Bypass Road, Barangay Banaba, San Pascual, Batangas nitong Huwebes, Pebrero 5.
Batay sa paunang imbestigasyon ng kapulisan, tinatahak ng jeepney na may sakay na labintatlong pasahero ang interseksyon patungong Barangay Balimbing nang mabangga ito sa kanang harapang bahagi ng isang pick-up na patungo naman sa direksyon ng Batangas City.
Dahil sa lakas ng impact, umikot ang jeep ng halos 180 degrees at ang pick-up ay sumalpok pa sa isang tricycle na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Lahat ng sakay at driver ng jeepney ay nagtamo ng iba’t ibang sugat at agad na dinala sa mga ospital sa Batangas para sa gamutan.
Malubha rin ang pinsalang tinamo ng tatlong sasakyang sangkot sa insidente.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, naayos na at settled na ang nasabing kaso. | BChannel news