Arestado ang limang katao matapos mahuli sa aktong iligal na paglilipat ng produktong petrolyo sa Barangay Banaba Center, Batangas City, alas-4:21 ng madaling araw kahapon, Pebrero 19.
Kinilala ang mga suspek na sina Roel, Rubie, Ian, Noriel at Ariel.
Ayon sa Police Regional Office CALABARZON, naaktuhan umano ang mga ito habang inililipat ang petrolyo mula sa isang lorry truck papunta sa mga IBC plastic container, na labag sa Presidential Decree 1865 o ang Oil Pilferage Law.
Pinangunahan ng Regional Intelligence Division o RSOU 4A ang operasyon, kasama ang iba pang yunit ng pulisya sa Batangas, sa ilalim ng superbisyon ni PLTCOL Vicente Cabatingan.
Sa isinagawang operasyon, nasamsam ang 21 IBC plastic container na may lamang produktong petrolyo na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P856K, at 65 pang bakanteng container. Narekober din ang isang tank truck na may lamang 30,000 litro ng methanol na tinatayang nasa 900K ang halaga, gayundin ang isang fuel tanker na may kargang 16,000 litro ng gasolina at 4,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng halos P2.8 milyong piso. Tatlong generator pump na may hose ang nakuha rin sa lugar.
Umaabot sa tinatayang 4.6 milyong piso ang kabuuang halaga ng mga produktong nasabat.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Batangas Component City Police Station ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso na isasampa sa Batangas City Prosecutor’s Office. | BChannel news