Natagpuan na ang bangkay ng isang 21-anyos na lalaking iniulat na nawawala kaugnay ng insidente ng pagkalunod sa bayan ng Infanta, Quezon.
Bandang alas-11:50 ng gabi noong Pebrero 19, nadiskubre ang katawan ng biktima sa tabing-dagat sa Purok Maligaya, Barangay Libjo.
Ayon sa Infanta Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa Infanta Quick Emergency Response Team pasado alas-12:30 ng madaling araw ng Pebrero 20 hinggil sa natagpuang bangkay.
Sa paunang imbestigasyon, isang residente ang nagsabing napansin niyang paulit-ulit na tumatahol ang kanyang aso patungo sa dalampasigan. Nang kanyang silipin, tumambad ang bangkay ng isang lalaki kaya agad niya itong ini-report sa barangay, sa PNP hotline, at sa rescue team ng bayan.
Dinala ang labi sa Hospital kung saan ito sinuri. Kalaunan ay kinilala ng ama at kapatid ng biktima ang bangkay at kinumpirmang ito ang nawawalang kaanak na sangkot sa naunang iniulat na insidente ng pagkalunod.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.| BChannel news