Mariing nilinaw ni Senator Bam Aquino na wala siyang planong tumakbo bilang Vice President sa halalan sa 2028 at itinanggi ang mga lumulutang na espekulasyon na siya ang magiging ka-tandem ni VP Sara Duterte.
Ito ay matapos umugong ang usapin ng posibleng “Duterte-Aquino” tandem kasunod ng pag-anunsyo ni Duterte ng kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Sa isang maikling pahayag sa Facebook noong Pebrero 19, sinabi ni Aquino na walang katotohanan ang naturang haka-haka.
Umingay ang isyu matapos banggitin ng senador sa isang panayam na “ideyal” na sa Pilipinas idaos ang pagdinig kaugnay ng kasong kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court. Nilinaw ni Aquino na iginagalang niya ang proseso ng ICC ngunit hindi ito nangangahulugang may binubuong alyansang pulitikal.
Binigyang-diin ng senador na hindi pa panahon para pag-usapan ang 2028 at dapat umanong unahin ang mas mabibigat na problema ng bansa gaya ng krisis sa edukasyon, kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin at korapsyon. Aniya, nakakahiya ang mamulitika habang maraming Pilipino ang nahihirapan.
Si Aquino, na nahalal noong 2025 at kasalukuyang nasa anim na taong termino, ay nagsabing mananatili siyang nakatutok sa pagsusulong ng mga panukalang batas bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education. Kabilang sa kanyang mga prayoridad ang Classroom-Building Acceleration Program o CAP Act at ang CADENA Act, na kapwa naaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa.
Ayon kay Aquino, darating ang tamang panahon para sa usaping 2028, ngunit sa ngayon ay mas mahalagang tutukan ng mga lider ang kapakanan ng taumbayan kaysa sa maagang pamumulitika.