Patay ang isang 71-anyos na lalaki matapos masunog ang kanilang bahay sa Noble Street, Barangay 6, Batangas City, alas-4:12 ng madaling araw ngayong Sabado, Pebrero 21.

Sa inisyal na ulat, hinihinalang nagsimula ang sunog sa nakasinding kandila. Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials kaya’t tatlong bahay ang nadamay at pitong pamilya ang naapektuhan.
Tumagal ng halos isang oras bago tuluyang naapula ang apoy sa tulong ng mga rumespondeng bumbero.
Bandang alas-10:40 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa ilalim ng mga yero habang isinasagawa ang clearing operation.

Kinilala ang nasawi na si Danilo. Ayon sa kanyang kapatid na si Mario, 69-anyos at isang opisyal ng barangay, inakala nilang ligtas ang biktima at nakatulong pa umano ito sa paghahakot ng gamit bago tuluyang natabunan ng bumagsak na yero.
“Akala ko kumpleto, walang nasaktan. Okay lang masunog ang bahay, walang problema doon. Yun pala’y nandoon ang kapatid ko. Patay ang aking kapatid. Hinahanap-hanap ko pa siya, katulong pa namin sa paghahakot, naglalakad pa iyon eh, aba ito’y nabagsakan ng yero,” ani Mario.
Dinala na sa punerarya ang labi ng biktima para sa cremation.
Samantala, agad nagpaabot ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga apektadong pamilya kabilang ang mainit na pagkain at iba pang pangangailangan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pinsala at ang eksaktong sanhi ng sunog. | BChannel news |📸 M.Sol, R.Navarro, A.Sabanal