Natagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang madamong bahagi sa gilid ng Marilaque Highway sa Barangay Pinugay, Baras, Rizal, alas-9:30 ng umaga noong March 3.
Ayon sa Baras Municipal Police Station o Baras MPS, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen bandang alas-12:15 ng tanghali tungkol sa nasabing insidente.
Rumesponde ang duty investigator at mga patrol personnel upang beripikahin ang ulat. Sa pagdating ng mga pulis sa lugar, tumambad ang bangkay ng biktima na nakadapa sa damuhan.
Agad ding ipinatawag ang Rizal Scene of the Crime Operatives o SOCO upang magsagawa ng technical investigation sa pinangyarihan ng insidente.
Inilarawan ang biktima bilang isang lalaki na nakasuot ng itim na long-sleeved shirt at black jogger pants. Mayroon din itong tattoo ng Japanese character sa itaas na bahagi ng likod.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang posibleng sangkot sa insidente.
Isinailalim na rin sa autopsy examination ang bangkay habang sinusuri ng pulisya ang mga available na CCTV footage sa paligid ng lugar.
Sa ngayon, nananatiling under investigation ang kaso. | BChannel News | 📽 ParesBengking