Arestado ang limang Vietnamese nationals matapos mahuli ng National Bureau of Investigation o NBI sa umano’y ilegal na pagbebenta at distribusyon ng karne ng aso na ibinebenta pa online.
Sa operasyon ng NBI Organized and Transnational Crime Division noong March 10, nasamsam ang malaking dami ng hilaw at lutong dog meat na nakahanda sana para ibenta sa publiko. Lumabas sa imbestigasyon na gumagamit umano ng messaging platforms ang mga suspek kung saan may digital menu pa na kahawig ng mga food delivery app.
Upang beripikahin ang impormasyon, nagsagawa ng test-buy ang NBI kung saan nag-order ang undercover agent. Matapos ma-deliver ang order, isinailalim ito sa pagsusuri ng National Meat Inspection Service at nakumpirmang karne nga ito ng aso.
Kasunod nito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng delivery rider at apat pang Vietnamese sa pinanggagalingan ng karne.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Meat Inspection Code, Animal Welfare Act, Anti-Rabies Act, at Food Safety Act. Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, patuloy umano nilang tutugisin ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan na naglalagay sa panganib sa food safety at animal welfare sa bansa. | BChannel News