Maaari nang mas mabilis na makakuha ng legal guidance ang mga manggagawa at employer matapos muling ilunsad ng Department of Labor and Employment o DOLE ang kanilang online legal query portal.
Sa pamamagitan ng Legal Service ng DOLE, maaari nang magsumite ng mga katanungan at concerns ukol sa labor at employment issues sa website na query.dole.gov.ph. Layunin nitong gawing mas accessible, responsive, at efficient ang public service sa pamamagitan ng digitalization, alinsunod sa programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ilalim ng system na ito, maaaring magpadala ng inquiries ang workers, employers, labor organizations, at maging ang publiko upang humingi ng policy guidance at technical assistance tungkol sa umiiral na labor laws, rules, at regulations.
Ayon sa DOLE, makakatulong ang upgraded portal upang mas maayos na ma-manage ang mga kliyente, maitala ang kanilang mga concerns, at masubaybayan ang mga ito sa pamamagitan ng structured documentation at tracking system.
Nilinaw naman ng ahensya na ang online portal ay hindi kapalit ng pormal na paghahain ng reklamo, labor inspection, o adjudication process na nakasaad sa batas. Sa halip, layunin nitong magbigay ng paunang gabay at clarification bago magsimula ang opisyal na proseso.
Samantala, mananatili pa rin ang face-to-face legal consultations sa Public Assistance and Complaints Unit o PACU desk ng DOLE para sa mga manggagawa at employer na nais kumonsulta nang personal.
Maaari ring bumisita ang publiko sa tanggapan ng PACU sa National Conciliation and Mediation Board sa DOLE Building sa Intramuros, Manila, o tumawag sa DOLE Hotline 1349 para sa iba pang labor at employment concerns. | BChannel News