Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

P680-K ilegal na droga at baril, nasamsam sa isang lalaki sa Lipa City, Batangas

Isang 27-anyos na lalaki ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay Mataas na Lupa, Lipa City, Batangas nitong Hulyo 28, matapos umanong masangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

Sa operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P680,000. Narekober din ang kalibre .45 na baril, magazine, mga bala, buy-bust money na nagkakahalaga ng P100,000, isang cellphone, at isang puting SUV.

Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nahuli ang suspek matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer sa isinagawang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Dinala ang suspek sa Batangas Medical Center para sa medical examination at sa forensic unit para sa drug testing. Samantala, isasailalim naman sa laboratory examination ang mga nakumpiskang hinihinalang droga.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. | BChannel News