Naaresto sa Barangay Talisay, Lipa City, Batangas ang isang Provincial Level Most Wanted Person na nahaharap sa tatlong bilang ng Qualified Rape of a Minor sa isinagawang warrant operation noong Hulyo 31.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si “Henry,” 40-anyos, isang construction worker at residente ng Barangay Sabang, Lipa City. Siya ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas noong Hulyo 22, 2026 ng Family Court Branch 2 sa Lipa City.
Ayon sa mga awtoridad, nahaharap ang suspek sa tatlong magkakahiwalay na kasong Qualified Rape of a Minor. Wala ring inirekomendang piyansa para sa mga kaso.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Warrant Section at Women and Children Protection Desk ng Lipa Component City Police Station.
Patuloy namang pinaiigting ng mga awtoridad ang kanilang manhunt operations laban sa iba pang mga wanted person sa lalawigan ng Batangas.