Nilinaw ng Department of Education o DepEd na magkaibang procurement process ang teacher laptops at voice amplifiers, kasunod ng mga puna kung bakit mas naunang naipamahagi ang mga lapel microphone sa mga guro.
Ayon sa DepEd, kasalukuyan nang nasa huling yugto ang procurement ng mahigit 250,000 teacher laptops, habang nauna lamang ang distribusyon ng voice amplifiers na agad na nakatulong sa halos 880,000 guro sa buong bansa.
Sinabi rin ng ahensya na sa pamamagitan ng competitive bidding, bumaba ang halaga ng bawat voice amplifier mula P480.76 hanggang humigit-kumulang P300 hanggang P370 kada unit, kasama ang isang taong warranty.
Ang pahayag ay inilabas matapos umani ng batikos online ang naunang pamamahagi ng lapel microphones at ang usapin tungkol sa umano’y pagpapagawa ng video messages ng pasasalamat para kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara.
Ayon sa DepEd, voice amplifiers muna sa ngayon habang inaasahang susunod na ang pamamahagi ng mga laptop para sa mga guro kapag natapos ang procurement process. | BChannel News