Nagbabala ang Office of the Ombudsman sa government workers laban sa paggamit ng gasolina na nakalaan para sa government vehicles, pero ipinakakarga sa mga pribadong sasakyan.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, maaaring humarap sa pinakamabigat na penalty sa ilalim ng batas ang mga public officials na mapatunayang gumagawa nito.
Binanggit ni Remulla ang kaso ni dating Bohol Second District Provincial Board Member Vierna Mae Boniel-Maglasang, na na-dismiss sa serbisyo at perpetual na idineklarang disqualified sa paghawak ng public office dahil sa dalawang counts ng Serious Dishonesty.
Nabatid na noong 2024, ginamit umano ni Boniel-Maglasang ang total na 100 liters ng gasoline na para sa isang government vehicle, pero ipinakarga ito sa private vehicles.
Bukod sa dismissal, ipinataw rin sa kanya ang cancellation ng eligibility, pagbabawal na kumuha ng civil service examinations, at forfeiture ng retirement benefits.
Batay sa 13-page decision ng Ombudsman, ang paggamit ng fuel para sa sasakyang hindi sakop ng authorized government fuel allocation system ay nagpapakita umano ng intensyon na iwasan ang accounting at auditing rules, at maaaring may kaugnayan sa material gain, graft at corruption.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Bohol Third District Board Member Dionisio Joseph Balite.
Giit ni Remulla, hindi palalampasin ng Ombudsman ang mga insidente tulad ng pagkuha ng government gasoline, pagkarga nito sa private vehicles, at pamemeke ng resibo dahil nakasisira umano ito sa imahe ng gobyerno.