Opens in a new tab
Skip to content
National

Taxi driver, tumakas matapos magpa-full tank; lisensya, sinuspinde ng LTO

Isang taxi driver ang tumakas umano matapos magpa-full tank ng gasolina na nagkakahalaga ng ₱2,516.51 sa isang gasoline station sa Santolan, Ortigas, bandang alas-12:50 ng madaling araw.

Batay sa post ni Kempee, umalis ang driver nang hindi nagbabayad. Nakasaad din sa reklamo ang plate number na WIH 722 ng taxi na sangkot sa insidente.

Dahil dito, naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office o LTO laban sa driver at sa rehistradong may-ari ng sasakyan. Inaatasan silang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City, sa Oktubre 27, 2026, upang magpaliwanag at magsumite ng mga kinakailangang dokumento.

Kabilang sa mga posibleng paglabag ng driver ang Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Isasailalim din sa 90-araw na preventive suspension ang kanyang lisensya at inaatasang agad itong isuko sa LTO.

Naka-alarm na rin ang taxi habang tinutukoy ng Law Enforcement Service ang lokasyon nito para sa posibleng pag-impound.

Sa pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kailangang panagutan ng mga motorista ang kanilang mga aksyon. Gayunman, nakadepende pa rin sa resulta ng imbestigasyon at kaukulang proseso ang pinal na pananagutan ng mga sangkot.