Hindi lang pera kundi tiwala sa turismo ng Batangas ang unti-unting naaapektuhan dahil sa pagdami ng fake resort booking scams na kumakalat online, lalo na sa social media.

Dahil dito, nagkaisa na ang mga resort owners sa Batangas kasama ang ilang ahensya ng gobyerno upang tugunan ang lumalalang problema ng mga pekeng Facebook pages at online booking scams na bumibiktima sa mga turista at sumisira sa imahe ng turismo sa lalawigan.
Sa isinagawang multi-sectoral press conference, inilahad ng mga resort operators na dumarami ang mga pekeng online pages na gumagamit pa umano ng “blue tick” o Meta verified status upang magmukhang lehitimo at makapanloko ng mga biyahero sa pamamagitan ng sobrang murang promos, fake reservations, at online payments.
Ayon sa mga resort operators at tourism stakeholders, mas nagiging organisado na umano ang mga manloloko gamit ang pekeng Facebook pages, malalaking diskwento, at mapanlinlang na promos para makahikayat ng mga bakasyunistang naghahanap ng murang getaway.
Sa halip na maayos na bakasyon, ilang turista ang nauuwi sa pagkabigla matapos pagdating sa resort ay malamang walang totoong reservation, kahit nakapagbayad na online.
Batay sa datos ng mga lokal na tourism office sa walong resort at coastal LGUs sa Batangas, mahigit 135 kaso na ang naitala mula 2025 hanggang 2026, na may tinatayang pagkalugi na nasa higit P4.6 milyon hanggang P5.6 milyon.
Ilan sa mga tourist destinations sa Batangas tulad ng Calatagan, Mabini, Nasugbu, at San Juan ang kabilang sa mga lugar na madalas gamitin sa ganitong modus dahil sa mataas na demand lalo na tuwing holiday at peak season.
Isa sa mga naitalang kaso ang 30-anyos na babaeng naloko ng halos P19,000 matapos mag-book sa pekeng Facebook page ng “Marilag Villa Beach House” sa Calatagan noong Holy Week.
Humarap din sa naturang pagpupulong ang Department of Tourism, Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, PNP Regional Cybercrime Unit 4A, at mga kinatawan ng DICT upang magbigay ng babala at hakbang laban sa online fraud.
Dahil dito, nananawagan ang mga resort owners at mga kinauukulang ahensya sa publiko na huwag basta magpapadala sa sobrang murang offers at siguraduhing beripikado ang kausap bago magpadala ng bayad.
Nanawagan din ang mga resort owners sa publiko na maging mapanuri, mag-verify bago magbayad, at iwasan ang padalos-dalos na pagkuha ng “too good to be true” deals online upang hindi mabiktima ng mga online scammer. | via JPamintuan