Magpapasa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng rekomendasyon nito sa mga pending petition para sa fare adjustment sa Department of Transportation pagsapit ng October.
Ayon kay LTFRB acting chairperson Greg Pua Jr., kailangan munang makita ng ahensya ang epekto ng wage increase na magsisimula sa September 26, bago magrekomenda ng posibleng pagbabago sa pamasahe.
Susuriin din ng LTFRB kung kaya pa ng commuters ang mas mataas na pamasahe, pati ang epekto nito sa inflation at kabuhayan ng transport workers.
Kabilang sa mga nakabinbing petition ng MANIBELA ang P2 dagdag-pasahe at hiwalay na P10 fare increase naman ng PISTON. Sa ngayon, P13 ang minimum fare sa traditional at modern jeepneys. Pero wala pang final approval kung magkano talaga ang magiging dagdag-pasahe.
Samantala, inaasahang magre-resume ngayong Tuesday ang PHP12-per-liter fuel discount para sa jeepney at UV Express operators, matapos aprubahan ng Commission on Elections ang exemption ng LTFRB mula sa election spending ban para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Humiling din ang LTFRB na itaas sa P20 kada litro ang discount at isama ang mga transport cooperatives at corporations na bumibili ng diesel nang maramihan.
Hinihiling din ng ahensya na maging toll-free sa expressways ang jeepneys at UV Express, gaya ng pribilehiyong ibinibigay sa provincial buses.
Kasabay nito, pinaigting ng LTFRB ang kampanya laban sa colorum operations. Ayon kay Pua, maaaring mawalan ng 30 hanggang 40 percent ng kita ang legitimate operators dahil dito. | BChannel News