Opens in a new tab
Skip to content
National

P29.17-M worth ng yosi, bumungad sa kargamentong idineklarang scrap metal

Nasabat ng Bureau of Customs o BOC ang 320 kahon ng Astro at Redwood cigarettes na may tinatayang market value na ₱29.17 million sa Subport of North Harbor sa Maynila, matapos matuklasang hindi tugma ang laman ng shipment sa idineklarang scrap metal.

Sa isinagawang spot checking, sinuri ang dalawang 1-by-20-foot container na nagmula sa Zamboanga, sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA K9 unit.

Natuklasang may lamang ilegal na sigarilyo ang isang container, habang white cigarette filters naman ang laman ng isa pa. Ang mga filter ay nakalagay sa mga kahong may Chinese markings.

Ayon sa BOC, tinatayang ₱9.6 million ang import value ng mga nasabat na sigarilyo, habang umaabot sa ₱29.17 million ang halaga ng mga ito sa merkado.

Iginiit ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi palalampasin ng ahensya ang maling pagdedeklara ng mga kargamento para maitago ang tunay na produkto at makaiwas sa customs duties at taxes.

Patuloy namang isinasagawa ang kaukulang proseso alinsunod sa customs at revenue laws. Ayon sa BOC, palalakasin pa nito ang inspections at intelligence operations, kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno, upang matukoy ang mga kahina-hinalang shipment at mapigilan ang smuggling.

Bahagi ito ng kampanya ng pamahalaan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border protection, tiyakin ang tamang koleksyon ng buwis, at protektahan ang mga lehitimong negosyo laban sa ilegal na kalakalan.