Opens in a new tab
Skip to content
International

PCG, Marines at Navy, itinaboy ang 22 Chinese sampans malapit sa Kota Island

Muling pinaalis ng Philippine Coast Guard o PCG, kasama ang Philippine Marines at Philippine Navy, ang isang Chinese maritime militia vessel at 22 sampans na namataang nagsasagawa ng unauthorized fishing activities malapit sa Kota Island sa Palawan noong October 9, 2026.

Ayon sa PCG, bandang alas-tres ng hapon nang mamataan ang mga Chinese vessel sa layong 0.55 nautical miles northwest ng isla. Ang pinakamalapit na sampan ay nasa 250 meters lamang mula sa shoreline, habang namataan din ang pagtatapon ng basura sa dagat.

Bandang alas-tres y medya ng hapon, dalawang rubber boat na may sakay na PCG personnel at tatlong Philippine Marines ang lumapit sa mga sasakyang pandagat upang paalisin ang mga ito. Nagbigay naman ng radio at communications support ang Philippine Navy habang minomonitor ng mga Marines ang sitwasyon.

Sa isinagawang operasyon, iniulat ng PCG na paikot-ikot na pinalibutan ng Chinese mothership ang dalawang rubber boat. Gumamit din umano ng hand signals ang kapitan nito upang igiit na kanila ang lugar at utusang umalis ang mga Pilipinong personnel.

Gayunman, ipinagpatuloy ng PCG ang operasyon at isa-isang pinaalis ang mga sampan sa loob ng humigit-kumulang dalawang oras. Isang sampan ang tumangging umalis at nagkaroon ng bahagyang pagdikit ng mga sasakyang pandagat, pero walang naiulat na nasaktan o nasirang kagamitan.

Pagsapit ng alas-singko y medya ng hapon, naitulak na ang lahat ng Chinese vessel sa layong humigit-kumulang 3.5 nautical miles mula sa Kota Island bago tumulak pahilagang-kanluran.

Kapansin-pansin na ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 ay siya ring barkong pinaalis ng PCG sa parehong isla noong September 28, 2026. Noong insidenteng iyon, mayroon itong 24 na sampans na umikot sa layong wala pang 300 yards mula sa isla bago umatras sa pagdating ng PCG team.

Ang Kota Island ay bahagi ng Municipality of Kalayaan sa Palawan. Ayon sa PCG, ang presensya ng mga dayuhang sasakyang nagsasagawa ng pangingisda sa territorial sea ng Pilipinas ay paglabag sa maritime laws ng bansa at sa mga umiiral na international law.

Sa ilalim ng pamumuno ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, sinabi ng ahensya na magpapatuloy ang pagbabantay laban sa mga posibleng pagpasok ng dayuhang sasakyang pandagat sa Kalayaan Island Group. | BChannel news