Naglabas ng Show Cause Order o SCO ang Land Transportation Office o LTO laban sa isang motorista matapos mahuling nakahinto ang sasakyan nito sa pedestrian lane, na naging dahilan para mahirapang tumawid ang mga pedestrian.
Batay sa video na ibinahagi ng Facebook page na Silinyador PH, napilitan ang ilang pedestrian na dumaan sa ibang bahagi ng kalsada dahil naharangan ang nakatalagang tawiran.
Ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang imbestigasyon upang matukoy ang drayber at rehistradong may-ari ng sasakyan.
Inaatasan ang mga sangkot na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa Oktubre 20, 2026, upang magsumite ng sinumpaang salaysay, ipaliwanag ang kanilang panig, at magharap ng mga kaukulang dokumento.
Posibleng maharap ang drayber sa paglabag sa Right of Way. Maaari ring ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na posibleng humantong sa suspensyon o pagbawi ng lisensya. Inaasahan din ang pagsuko ng lisensya para sa 90-araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang proseso. Naka-alarm status na rin ang sasakyan.
Ayon kay Lacanilao, ang pedestrian lane ay para sa mga tumatawid, hindi para paradahan ng mga sasakyan. Hinikayat naman ng LTO ang publiko na i-report ang mga kahalintulad na insidente upang agad itong maimbestigahan.