Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government o DILG MIMAROPA ang dahilan kung bakit may government vehicle na nakitang nakaparada sa Pegasus: The Ultimate Men’s Club sa Quezon Avenue, Quezon City, matapos itong kumalat sa social media.
Sa larawang ipinadala sa Facebook page na Parkeserye, makikita ang isang Toyota Innova na may plakang SLC 974, bandang alas-10 ng umaga noong October 13. Ang pulang plaka nito ay indikasyong rehistrado ang sasakyan sa isang ahensiya o opisyal ng pamahalaan.
Dahil dito, may mga netizen na nagtanong kung ginagamit ba ang sasakyan para sa personal na lakad. May ilan namang nagsabing posibleng may opisyal na gawain ang gumagamit nito, gaya ng pag-inspeksiyon sa mga permit ng establisimyento.
Sa pahayag ng DILG MIMAROPA, umuupa ang kanilang regional office sa isang pribadong gusali sa #822 Quezon Avenue, Barangay Paligsahan, Quezon City, na katabi ng Pegasus. Dahil limitado ang parking space ng tanggapan, nakipag-ugnayan sila sa mga kalapit na establisimyento upang makagamit ng karagdagang paradahan.
Ayon sa ahensiya, pumayag ang pamunuan ng Pegasus na gamitin ang limitadong bahagi ng kanilang parking area. Pansamantalang inilalabas sa basement ang ilang sasakyan sa oras ng trabaho upang madali itong magamit kapag may opisyal na biyahe. Sa gabi, ibinabalik ang mga ito sa basement ng gusali.
Binigyang-diin ng DILG MIMAROPA na may lehitimong layunin ang naturang parking arrangement at hindi ito dapat ipakahulugan bilang paggamit ng sasakyan para sa pansariling kapakinabangan.
Sa ilalim ng Administrative Code of 1987, may mga limitasyon sa paggamit ng government vehicles para sa mga gawaing hindi opisyal, at maaaring mapatawan ng disciplinary action ang mga lalabag.| BChannel news