Nagbabala si French President Emmanuel Macron laban sa patuloy na karahasan sa France matapos mauwi sa riots ang malawakang protesta kontra sa mataas na cost of living at lumalalang serbisyo publiko, kabilang ang mga paaralan.
Ayon sa French authorities, tinatayang 550,000 katao ang lumahok sa mga demonstrasyon noong Sabado. Habang mapayapa ang karamihan, may mga grupong nagsunog ng sasakyan at gusali, nanira ng mga negosyo, nagnakaw sa mga tindahan, at nakipagsagupaan sa pulisya.
Sa Paris, gumamit ng tear gas at water cannon ang riot police para pakalmahin ang mga nagkakagulo. Naiulat din ang panununog at paninira sa ilang lungsod, kabilang ang Lyon, Grenoble, Marseille, at Limoges, kung saan bahagyang gumuho ang bubong ng city hall matapos masunog ang gusali.
Ayon sa magkakahiwalay na ulat, mahigit isang libong katao ang inaresto. Sa pinakahuling pahayag ni Interior Minister Laurent Nuñez, umabot sa 2,400 ang arrests sa buong France, habang halos isang libong pulis ang nasugatan. Gayunman, iniulat din ng ibang ulat ang 150 police officers na nasugatan, kaya nagkakaiba ang bilang batay sa mga inilabas na update. Isang demonstrador naman ang namatay matapos makaranas ng cardiac arrest sa Paris.
Kasabay nito, sinabi ng Department of Foreign Affairs o DFA ng Pilipinas na wala pang naitatalang Pilipinong nasangkot o nasaktan sa mga protesta sa France at Italy. Batay ito sa ulat ng Philippine Embassy sa Paris at Philippine Consulate General sa Milan.
Sa Milan, Italy, nagkaroon din ng sagupaan sa pagitan ng mga demonstrador at riot police dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin. Limampung katao ang iniulat na dinetine at dalawang pulis ang nasugatan.
Ayon kay Macron, may lehitimong hinaing ang mga mapayapang nagpoprotesta, pero hindi ito dahilan para manira at manakit. Sinabi rin niyang maaaring ipagbawal ng pamahalaan ang ilang demonstrasyon kung kinakailangan upang protektahan ang mga pampublikong gusali at negosyo.
Nag-ugat ang mga protesta sa pagtaas ng gastusin, kakulangan ng mga kawani sa paaralan, at mahinang pasilidad sa mga secondary school. Nakilahok din ang mga trade union at iba pang grupong nananawagan ng pagbabago.
Dumating ang kaguluhan habang papalapit ang 2027 presidential election sa France, kung kailan nakatakdang matapos ang termino ni Macron. Nagpalitan na rin ng pahayag ang ilang lider-pulitika tungkol sa responsibilidad sa karahasan, habang nananawagan ang pamahalaan na huwag hayaang manaig ang kaguluhan.
Samantala, nangako ang French government na tutulungan ang mga negosyanteng nalugi at papanagutin ang mga mapatutunayang responsable sa paninira.
| BChannel News