Opens in a new tab
Skip to content
Local

Tatay, sa tapat ng bahay na natulog matapos makipag-fiesta; netizens, tawa nang tawa!

Viral ngayon sa social media ang isang tatay mula sa Bulacan matapos siyang matagpuang natutulog sa labas mismo ng kanilang bahay, katabi ng kaniyang motorsiklo, matapos umanong makisaya at makipag-inuman sa pista.

Ayon sa anak niyang si Jawmaica Garin, alas-5:50 ng umaga nang gisingin siya ng kaniyang ina dahil hindi pa nila makita ang kaniyang ama, na mula pa noong gabi ay nakikisaya sa fiesta.

Pero nang buksan nila ang pinto, laking-gulat nila nang makita ang tatay na nakahiga at mahimbing na natutulog sa lupa, ilang hakbang lamang mula sa kanilang pintuan. Nakatayo naman ang motorsiklo nito sa tabi niya.

Ibinahagi ni Jawmaica ang video ng insidente online, na mabilis na umani ng HAHA reactions at samu’t saring komento mula sa netizens.

“5:50am ginising ako ni mama kasi mula kagabi hindi niya talaga mahagilap saan lupalop naki-fiesta si Papa. Pag bukas niya ng pinto napasabi na lang siya “Ayun ‘yung papa mo oh!?” saad nito sa caption.

May mga nagbiro na ito raw ang totoong ibig sabihin ng linyang, “Pag-uwi ko, nakatulog agad ako.”

Umabot na sa 167,000 plus reaction ng naturang post at libo-libo na rin ang nagbabahagi na tila relate sa viral post.

Bagama’t nakakatawa para sa maraming netizens ang eksena, paalala rin ito na kailangang mag-ingat sa pag-inom at tiyaking ligtas ang pag-uwi pagkatapos makisaya sa mga pagdiriwang.

Sa huli, mukhang nakauwi nga ang tatay sa tapat ng kanilang bahay pero hindi na niya nagawang makarating sa loob bago dalawin ng antok!