Hihingi ng paglilinaw ang Department of Budget and Management o DBM sa Supreme Court kaugnay ng desisyon nitong unconstitutional ang ilang bahagi ng 2024 at 2025 national budgets. Ito ang kinumpirma ni Budget Secretary Kim Robert de Leon nitong Huwebes, habang sinusuri ng ahensya ang epekto ng ruling sa government spending.
Ayon kay De Leon, kasama ang Office of the Solicitor General sa pag-review ng desisyon upang matukoy ang legal, financial, technical, at operational implications nito. Kabilang sa kanilang sinusuri ang mga pondong hindi pa nailalabas, unused budget allocations, at mga obligasyong hindi pa nababayaran.
Nagbabala naman si Senator Imee Marcos sa posibleng pag-release ng mga pondong saklaw ng ruling, kabilang ang 449.5 billion pesos na unprogrammed appropriations at 17.99 billion pesos para sa Special Road Fund. Aniya, dapat munang malinawan ang epekto ng desisyon bago maglabas ng mga apektadong pondo.
Kinumpirma ni De Leon na hindi pa nailalabas ang dagdag na allocation para sa 2025 Special Road Fund na saklaw ng ruling. Hindi na rin ilalabas ng DBM ang natitirang unprogrammed appropriations para sa 2024 dahil nag-expire na ang validity nito noong December 2025.
Samantala, umabot sa 531.374 billion pesos ang na-release mula sa programmed appropriations ng 2024 national budget. Gayunman, kailangan pang tukuyin kung magkano rito ang saklaw ng mga probisyong idineklarang unconstitutional.
Ayon sa DBM, magsusumite ito ng breakdown ng mga inilabas na pondo sa Senado at makikipag-ugnayan sa Solicitor General para sa mga susunod na hakbang.