Opens in a new tab
Skip to content
International

Democrats, nakuha ang Mayorya sa US Senate; Trump, nakaranas ng malaking pagkatalo sa midterm elections

Nawalan ng kontrol ang mga Republican sa US Senate matapos makuha ng Democratic Party ang mayorya sa katatapos na November 3 midterm elections, na itinuturing na malaking dagok sa administrasyon ni President Donald Trump.

Nakuha ng mga Democrat ang ilang dating Republican-held Senate seats sa anim na estado, kabilang ang North Carolina, Ohio, Iowa, Texas, South Carolina at Kansas. Napanatili rin nila ang kanilang puwesto sa Georgia matapos manalo muli si Senator Jon Ossoff laban kay Republican Mike Collins.

Kabilang sa mga naging resulta ang pagkatalo ni Republican Ken Paxton kay Democrat James Talarico sa Texas, ni Michael Whatley kay Roy Cooper sa North Carolina, at ni Jon Husted kay dating Senator Sherrod Brown sa Ohio.

Sa South Carolina, tinalo ni Democrat Annie Andrews si Republican Darline Graham, habang sa Kansas naman, nanaig si Adam Hamilton laban kay Roger Marshall. Sa Iowa, nagwagi si Josh Turek laban kay Ashley Hinson.

Natalo rin sa Texas gubernatorial race si incumbent Governor Greg Abbott kay Democrat Gina Hinojosa, na sinuportahan din ni Trump ang kandidatura.

Matatandaang aktibong nangampanya si Trump para sa mga Republican candidates at hinikayat pa ang mga botante na isipin na kasama siya sa kanilang pagbobotohan. Noong 2024 presidential elections, napanalunan niya ang lahat ng pitong estadong nabanggit sa Senate races.

Lumabas din sa AP Voter Poll na halos two-thirds o dalawang-katlo ng mga botante ang nagsabing pinalala ng mga polisiya ni Trump ang economic conditions sa United States. Ganito rin ang pananaw ng halos dalawang-katlo sa kanyang tariff policies na umano’y nakaaapekto sa national at local economy.

Dahil sa pagkontrol ng Democrats sa Senate at House of Representatives, magkakaroon sila ng mas malaking kapangyarihang busisiin ang mga polisiya ng administrasyon, magsagawa ng investigations at harangin ang ilang appointments ni Trump, kabilang ang mga Cabinet officials at federal judges.

Kabilang sa mga nais nilang imbestigahan ang business dealings ng pamilya Trump, paghawak ng administrasyon sa Jeffrey Epstein investigation at mga alegasyon ng corruption.

Inaasahang magiging mas mahigpit ang political challenges na haharapin ni Trump sa natitirang dalawang taon ng kanyang termino, lalo’t kontrolado na ng Democrats ang dalawang kapulungan ng US Congress.