Opens in a new tab
Skip to content
Local

Mag-amang mangingisda, nakaligtas sa pagtatumba ng kanilang bangka sa Quezon

Nauwi sa aksidente ang pangingisda ng mag-amang mangingisda sa karagatan ng Panukulan, Quezon matapos tumaob ang kanilang bangka na FBCA ANGELA noong November 3.

Bandang alas-4 ng madaling araw, nasa biyahe na sila pauwi nang salubungin ng malalaking alon, may 10 milya mula sa Barangay Balungay. Sa lakas ng hampas ng tubig, naputol ang kanang katig ng bangka na naging dahilan para mawalan ito ng balanse at tuluyang tumaob.

Kabilang sa nakaligtas ang 64-anyos na ama at ang kanyang anak na kapitan ng bangka. Bandang alas-5 ng umaga, nasagip sila ng isa pang dumaraang fishing boat at ligtas na naihatid sa pampang.

Samantala, hindi agad natagpuan ang kanilang bangka. Dalawang araw itong hinanap sa tulong ng Coast Guard, MDRRMO, Kabalikat Civicom at mga lokal na mangingisda hanggang sa mamataan sa Barangay Libjo, Infanta, Quezon.

Noong November 5, nahila na rin ang FBCA ANGELA pabalik sa daungan ng Balungay matapos kumpunihin ang nasirang katig.

Sa beripikasyon naman ng Coast Guard, napag-alamang walang rehistro ang bangka sa Municipal Agriculture Office at SSEN System. Pinayuhan ang may-ari na ayusin ang mga dokumento at tiyaking ligtas ang bangka bago muling pumalaot.