Opens in a new tab
Skip to content
National

Petisyon laban sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte, ibinasura ng Supreme Court

Ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukuwestiyon sa kanyang pag-aresto noong March 11, 2025.

Ayon sa korte, wala nang bisa ang petisyon dahil kasalukuyang nakakulong si Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands. Hindi na rin sakop ng kapangyarihan ng mga korte sa Pilipinas ang pagpapatupad ng writ of habeas corpus sa ibang bansa.

Nilinaw naman ng Supreme Court na hindi nangangahulugang legal ang pag-aresto at pagdala kay Duterte sa Netherlands. Hindi rin nito pinasya kung may nalabag na constitutional rights ang dating pangulo.

Siyam na mahistrado ang pumabor sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao, habang apat ang hindi sumang-ayon.

Kabilang sa mga tumutol sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justices Ramon Paul Hernando, Henri Jean Inting at Antonio Kho.

Para kay Leonen, dapat ding sagutin ng korte ang mahahalagang tanong tungkol sa constitutionality ng pag-aresto. Samantala, iginiit ni Hernando na dapat suriin ang mga posibleng paglabag sa karapatan ni Duterte, kabilang ang due process at protection against unreasonable searches and seizures.