Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang tuluyang pag-alis ng travel tax bilang isa sa 21 priority legislative measures na tinalakay sa pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC, ayon sa Malacañang.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, layunin ng Pangulo na mabawasan ang gastusin ng mga biyahero, lalo na’t hindi lamang para sa bakasyon ang paglalakbay ng maraming Pilipino kundi para rin sa trabaho at mga emergency.
Sa kasalukuyan, kalahati ng travel tax ay napupunta sa mga proyektong pang-imprastraktura ng turismo, 40 porsiyento sa educational assistance at scholarships, at 10 porsiyento sa promosyon ng kultura at pamana.
Sa pangamba na maaaring mabawasan ang pondo para sa edukasyon at turismo kapag inalis ang travel tax, tiniyak ng Malacañang na sasagutin ito ng gobyerno sa pamamagitan ng national budget sa sandaling maisabatas ang panukala.
Tinalakay na rin umano ng economic managers ang posibleng benepisyo nito sa mas murang gastos sa biyahe, habang ang detalye sa epekto sa kita ay pag-aaralan pa sa pagbuo ng panukalang batas.
Bukod dito, binigyang-diin din sa pulong ang iba pang prayoridad na panukala tulad ng mga batas laban sa online sexual abuse ng mga bata, fake news at digital disinformation, pati ang pagtatakda ng halalan sa BARMM.
Hiningi rin ng Pangulo ang agarang pag-usad ng anti-political dynasty bill. | BChannel news