Natagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang liblib na lugar malapit sa sapa sa Sitio Kay-Tigbak, Barangay San Agustin, Magallanes, Cavite pasado alas-12:30 ng tanghali kahapon, Pebrero 17, 2026.
Batay sa ulat ng Magallanes Municipal Police Station, bandang alas-12:55 ng tanghali nang makatanggap sila ng tawag mula kay Barangay Kagawad Ernani Sarabia hinggil sa natagpuang bangkay sa naturang lugar.
Sa pagdating ng mga pulis, tumambad ang katawan ng biktima na nakadapa sa loob ng isang balon na may tubig. Nakalagay umano ang bangkay sa loob ng dalawang sako at nakasuot ng itim na jogging pants. Ang bangkay ay nadiskubre ng isang residente ng lugar.
Sa ngayon, patuloy ang follow-up investigation ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at posibleng suspek. Humingi na rin ng tulong ang mga awtoridad sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa mas masusing pagsusuri. | BChannel news