Magpapatayo ng panibagong at mas matibay na tulay sa Batangas City matapos iutos ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalit sa kasalukuyang Bridge of Promise na nakitaan ng mga senyales ng pagkasira.
Ayon kay DPWH Sec. Vince Dizon, layunin ng proyekto na tiyakin ang kaligtasan ng mga residente at motorista na araw-araw dumaraan sa naturang tulay.
Ang tulay ay nagsisilbing pangunahing koneksyon ng Barangay Kumintang Ibaba at Barangay Gulod Labac sa Batangas City. Paliwanag ng Kalihim, orihinal na itinayo noong 2009 bilang pansamantalang istruktura ang tulay, ngunit nanatili itong ginagamit sa loob ng 17 taon.
Sa ilalim ng bagong plano, papalitan ang kasalukuyang two-lane bridge ng mas malapad na apat na linya upang mapabuti ang daloy ng trapiko at maiwasan ang panganib sa mga biyahero.
Nag-request na rin ang Department of Public Works and Highways ng humigit-kumulang tatlong daang milyong piso para maisama sa 2027 national budget ang konstruksyon ng bagong tulay. | BChannel News